Monday, July 21, 2008

Lawton, Quiapo

Kanina pauwi, nakaupo ako sa kadududuluhan katabi mismo ng bukana ng sinasakyang dyip papuntang Lawton. Habang pinagmamasdan ang bawat tao mula sa aking kinauupuan, tanaw ko ang sari-saring mukha; masaya, malungkot, nakatanga at may nakasimangot. Isip ay naglalaro at hindi mapalagay, samut-saring mga bagay, ibat-ibang kwento ng buhay.

Kahit halos araw-araw kong dinadaanan ang iisang ruta ito simula nang pumasok sa kolehiyo, hindi pa rin nagsasawang dumungaw sa labas na para bang batang sabik sa fieldtrip.

Noong mga oras na yun, espesyal ang dating sa akin ng Quiapo. Malapit na kasing dumilim at parang galing sa pelikula ang drama. May pagka-aksyon ang eksena. Halos puno ang simbahan ng mga taong nanampalataya, nanalangin na umulan sana ng pera paglabas nila. Payapa marahil sa loob ng gusaling iyon na puno ng mga rebulto at kandila, ngunit pagtapak sa labas....Quiapo, Quiapo, Quiapo. Kung nakarating ka na doon, marahil alam mo na ang kadugtong ng ibig kong sabihin.

Kung hindi pa, ikaw na ang bahala mag-isip.

Pag-akyat ng tulay, hindi ko na napansin kung may pagbabago na ba sa Ilog Pasig dahil may biglang kung sino man ang umupo sa apakan ng dyip, iilang centimeterong layo lang sa aking mga paa.

Isang batang lalaki malamang nasa edad labing-lima pataas, naka-itim na t-shirt at pang-iibaba, balat ay halatang babad sa araw, mga kamay payat at madungis ngunit may hawak na tsitsirya at softdrinks sa kaliwa at isang maliit na tela sa kanan.

Buong araw niya sigurong pinanglimos ang perang pinangbili niya ng kakapiranggot na miryenda--ang kanyang agahan, tanghalian at maagang hapunan all in one.

Salamat sa kanyang rugby na kanina pa niya sinisinghot sa kapirasong telang hawak-hawak, panandaliang nakakalimutang sumasakit pala ang kanyang sikmura. Ako nga na nasa likod niya ay nahilo na kaagad sa amoy, siya pa kaya na kulang na lang ay ipasok niya sa loob ng kanyang ilong.

Natapos ang araw na pagod na pagod. Ang pagbiyabiyahe nga naman, kung anu-ano, kung sinu-sino ang nakakasalamuha....

2 comments:

  1. is this your first tagalog entry? nice one jeca. :D

    ReplyDelete
  2. Hey! hehe This isn't my first!:) Marami pa jan. Ngayon nga lang ulit.

    ReplyDelete