Wednesday, February 18, 2009

Tama Na

Nakaupo tayo sa isang kainan at kasalukuyang tinititigan ang mga papel sa ating harapan habang hawak mo ang iyong malapit nang maubos na softdrink.

Sa loob, kakaunti lang ang tao. Sa labas, di mahulugan ng karayom ang kalsada; mukhang nagpapalakasan pa ng busina ang mga sasakyang di umuusad sa tindi ng trapik. Ang kalangitan, di mapalagay kung magbubuhos ba ito ng ulan o magpapasinag ng araw.

Katatapos mo lamang magkuwento at matagumpay mong napigilan ang mga luhang malapit nang bumitaw. Hindi kita gustong umiyak. Natanong ko sa sarili, bakit pa kasi kelangang maapektuhan ng ganyan ang isang tao. Bakit sa kaliit-liitang bagay na dapat naman ay walang saysay, ang siyang dahilan ng ikinalulumbay.

Siguro ang tamang tanong ay, "Bakit ako nagkakaganito dahil sayo?"

Nagtanong ka. Ako ay sumagot. Sinabi mong magpakatotoo lang ako. Ano ba ang totoo? Hindi ko alam kung anong magandang maidudulot niyan ngayon kung sa sulok ng isipan ay takot sa kung anong katotohanan ang nag-aabang.

Paano kung sa tuluyang pag-amin sa mga tinatagong saloobin ang siyang dadagdag sa mabigat na ngang damdamin?

Tuluyan nang binalot ng maiitim na ulap ang paligid. Isa-isang nagtago ang mga tao sa kanikanilang payong. Madami dami na din ang umupo at umalis sa tagal nating andito. Hindi lumuha ang iyong mga mata, ngunit sa salaming nadadaplisan ng mga butil ng ulan, ating pinagmasdan ang dahan-dahan nitong pagdaloy na para bang umiyak ang langit para sa atin.

No comments:

Post a Comment