Sunday, May 09, 2010

Adobo: A Short Story

Adobo

Magkaharap kami ng asawa ko sa maliit naming kusina kumakain ng tinola. Kinabukasan pa ang sweldo kaya minarapat ko na lang magluto ng hapunan kesa magtake-out pa ulit. At tsaka, mukhang isusuka ko na ata ang lahat ng mga natake-out namin kapag kumain pa ako ulit ng take-out ngayon.

"Bakit di ka naman magluto ng adobo next time?" tanong niya sabay higop ng sabaw.
"Bakit kasi kung ano pa yung di ko alam lutuin eh yun pa ang paborito mo." isa ding tanong ang isinagot ko sa kanya.
"Madali lang naman lutuin yun," aniya. Madali nga, sang-ayon ko sa sarili ko. Mas madali pa nga sa pagbabake tulad ng sabi ni mama. Bigla kong naalala kung bakit hindi ko natutun-tutunang lutuin ang adobo.

"Nung dalaga pa ako, tinuruan ako ni mama mag-adobo," panimulang kwento ko sa kanya. Nasa kalagitnaan ng summer vacation nun at saktong Mother's day pa. Sa tindi ng init ng panahon, pahabaan kami ng tulog ng nakakatanda kong kapatid. May tig-isa kaming electric fan na nakatutok samin at itinutulog namin ang buong mag-hapon para pagkagising, mag-gagabi na't malamig.

Pero noong araw ngang iyon, gumising ako ng maaga, mga alas-onse; maaga na sa akin 'yun. Busangot at kunot na noo ang sagot sakin ng nanay nang batiin ko sa ng 'Happy Mother's day!' Wala pang pagkain dahil mag-tatanghalian na din naman. Ang masama pa doon, pinaglinis niya na ako kagad ng ref. Buong ref pinalinis niya sakin! Utos diyan, utos dito. Ayusin mo 'to, punasan mo 'yan. Boses niya ang pinang-agahan ko. Siyempre sinunod ko lang lahat. Pagbigyan mo na, isip-isip ko. Sanay na din naman ang tenga ko sa mala-ArmaLite niyang bibig.

Nang matapos kong linisin ang ref, mag-aalas dose na. Nilapitan ako ni mama at sinabing, "Ano, gusto mo mag-adobo?"

Biglang nawala ang inis ko at tumango. Sa wakas, matututunan ko na din ang adobo. Sa isang baso, naglagay ako ng kalahating tubig, 1/4 na suka, at tatlong kutsarang toyo. Ang problema wala na palang toyo.

"Pwede bang wag na lang mag-adobo?" mahinahon kong tanong kay mama bago pa man biglang tumaas ang presyon niya sa kakahanap ng toyo.
"Eh anong luto gusto mo? Wag na nga lang magluto! Hay jusko!"

Pinabili niya ako ng toyo. Ayoko nga, ang tindi ng init sa labas. Naghugas nga ako ng pinggan para makaiwas sa utos. "Wala ng toyo! Bumili ka nga!" inis niyang sinabi kay papa.

Pagkaraan ng ilang minuto, habang sinasabunan ko ang mga plato at hinihintay na mainin ang kanin, lumabas siya ng kwarto, ginupit ang sachet ng toyo, at sumigaw ng 'Ahhh!!' dahil tumalsik ang toyo sa sahig. "Hay naku! Buhay ko, oo!" pinilit kong huwag tumawa.

Panandaliang katahimikan ang bumalot samin habang siya'y nagpupunas ng sahig at ako'y nagbabanlaw ng plato. Saglit pa at tumabi siya sa akin daladala ang tasang may lamang tubig, suka, at toyo.

"Lagyan mo na ng dalawang bawang at paminta," turo niya habang ginagawa ang mga ito. "Asin. Magic sarap, asukal. Paki-abot nga ang asukal." Inabot ko ang asukal. "At wag mong kakalimutan yung dahon ng laurel." marahan niyang dagdag. "Ganun lang kadali." binuksan na niya ang stove.

"Hindi naman ako nag-luto niyan." sabi ko.
"Ang bagal mo kasing kumilos,"
"Bakit, paunahan ba to?" sabay punas ng basang kamay sa aking shorts.
"Hay nako, mabilis lang yan, mas mabilis pa sa pagbabake mo."
"Kaya nga," sagot ko. "Eh anong minamadali niyo?"
"O siya, sige. Ikaw na ang bahala diyan. Haluhin mo at tikman mo ang lasa." Nautusan nanaman ako.

Itinuloy ko na nga ang pagluluto. Dinagdagan ito ng tubig nang matikmang masyado itong maalat. Hinalo-halo at tinignan kung malambot na ang manok.

"Igisa mo na pagkatapos." utos niya sa akin. Pwede bang wag na gisahin, tanong ko. "Mas masarap pag-ginisa. Sige na, mag-ano ka na ng dalawang bawang at isang sibuyas at kunin mo yung kawali." Ginawa ko ang lahat. Sinama ko na din ang mga pinakulong itlog. Hinanda ko na din ang lamesa at nagsandok ng kanin. Hiniwa ni mama ang pakwan at pagkatapos, handa na ang lahat.

"Naiinis ako kay mama nun kapag utos siya ng utos." kwento ko sa asawa ko na ngayon ay tapos nang kumain. "Napaka-perfectionist pa! Gusto niya, gawin ko ang lahat ng tama. Di ko nga ginagawa. He-he."
"So ano na nangyari?" anong ano nangyari, tanong ko sa tanong niya. "Dun sa adobo." Napaisip ako. Ah, nung handa na ang tanghalian, kami lang din ni mama ang kumain. Nagluto ang dalawa para sa lima, dalawa lang din ang kumain. Tulog pa si ate, nasa kwarto si kuya; tulog sa kwarto naman si papa. Hindi ko na matandaan kung kelan kami huling kumain nang sabay-sabay.

"Lungkot no?" walang nagsalita sa amin. Panandaliang pinunan ng katahimikan ang layo na pumapagitan sa aming dalawa. "Makapag-adobo nga bukas."

No comments:

Post a Comment